Friday, May 29, 2009

ANG KLASIKONG KUWENTO NI DAVID AT GOLIATH

(Ilang buwan ding hindi ako nakapagsulat. Trabaho at marahil ang mahabang pagluluksa para sa isang napakahalagang tao sa buhay ko ang dahilan. Hayaan ninyong ibahagi ko ang isang sanaysay sa panulat kong arosebyanyanothername sa FilipinoWriter.com. Gawa ito noong kainitan ng Pangandaman isyu subali't ang tema nito ay nangyayari at patuloy na mangyayari kung hindi tayo kikilos. Kailangang gumawa ng ingay para maiparating sa kinauukulan ang tunay na saloobin ng sambayanang Pilipino.)



Kamakailan lang ay inapi si David ni Goliath. Paanong nangyari iyon? Naglalaro lamang siya ng golf. Masayang nagpapalipas ng maghapon na tangan ang kanyang club. Hindi tirador noon ang hawak ni David kung di golf club at kasama niya ang kanyang ama. Nguni't naroon din pala si Goliath at naisip na pagtripan siya kahit naroon din ang ama nito o sa kabila nang presensiya rin ng ama nito.

Si David ngayon ang sugatan pati na ang kanyang ama. Papayagan ba nating manalo sa laban si Goliath gayong si David at tayo ay iisa? Ikaw na nasa bukid o sa gitna ng dagat. Ikaw na naglalako sa kalye. Ikaw na mas mababa pa ang posisyon sa opisina kaysa sa pinag-aralan. Ikaw na binubuwisan. Ikaw na nagkakasya na lamang sa pagngiti at pagpapatawa upang maibsan ang lungkot at kasalatan ng buhay. Ikaw na nasa gitna ng digmaan sa Mindanao o nakikipaglaban para sa lupang matagal nang dapat ay iyo. Ikaw na nasa ibang bansa - nagsisilbi sa bahay o sa maysakit, o sa mga opisina o pagawaan, o sa barko. Ikaw na walang hanapbuhay at madalas na gutom. Ikaw na naghahangad ng kapayapaan at katotohanan. Ikaw na may pagmamahal sa Diyos at sa bayan. Ikaw si David.

Kailan dadamputin ni David ang tirador at pababagsakin si Goliath?

Kilala ninyo si Goliath. Walang maipagmalaki kung di ang kanyang laki at yaman ng kanyang lahing Filisteo. Nguni't nagapi siya noon ni David.

David, hindi pa huli. Huwag ka nang pumayag na pagtripan kang muli ni Goliath. Sipatin mo na ang noo ng higante at pawalan na ang batong makapagpapabagsak sa kanya.


Photo by brad_bechtel on Flickr

0 comments:

Post a Comment