skip to main |
skip to sidebar
MAMIMILI O MABIBILI BA TAYO?
Ilang buwan na lang, eleksyon na naman. Boboto na naman tayo, mga kapwa ko Pilipino. Mamimili tayo ng gusto nating kandidato. Mamimili na naman ng boto ang madayang kandidato.Nakakalito ano? Himayin natin ang mga salita. Ang mamimili sa naunang pangungusap na ang bigkas ay malumi ay galing sa salitang pili samantalang ang mamimili sa huling pangungusap ay galing sa mabilis na bili.Pili at bili. Malumi ang pili. Mahinahon at maingat nguni't may determinasyon ang dapat gawing pagpili sa mga kandidato sa halalan sa 2010. Mabilis ang bili, nag-aapura, gustong makaungos ng kandidatong mamimili ng boto natin.Pipili tayo. Sasayangin ba natin ang karapatang ipinagkaloob sa atin simula pa noong lalangin ang mundo?Alam kaya ito ng mga kandidatong bumibili ng boto? Kung talagang mahal nila tayo, hindi tayo dapat pilitin sa pamamagitan ng pagbili ng ating boto, panloloko at pananakot.Kung ang Diyos na dapat nating pag-alayan ng buong pagkatao natin at pagmamahal ay nakapagbigay sa atin ng free will o malayang kaloobang pumili ng ating nais, bakit hindi tayo bigyan ng kandidatong trapo ng kalayaang pumili kung sino ang gusto nating iboto?Sa darating na eleksyon, makinig naman kayo sa tunay naming saloobin, mga pinagpipitaganang kandidato. Huwag ninyo na kaming takutin, pangakuan ng kahit ano, lokohin, o sumbatan sa utang na loob namin sa inyo dahil kung tinulungan ninyo man kami habang kayo ay nakapuwesto, bahagi iyon ng inyong sinumpaang tungkulin sa bayan.Pipili tayo, mga kababayan ko. HINDI!!!, ang sagot natin sa bibili.
photo by jeriel022 in photobucket
0 comments:
Post a Comment